Tuesday, August 22, 2006

Mga Kuru-kuro

Ano bang bago sakin kamo? Wala naman.. May konting pakilig pero hanggang dun lang. Ok na din, at least wala dito. Walang sagabal sa mga gusto kong gawin. Yung nga lang madaming tanong. Mga tanong na walang kasagutan pa sa ngayon.


Mahirap pa lang magsalaysay ng purong Tagalog. Pero ayos din, kasi Linggo ng Wika nga pala ngayong buwan ng Agosto. Tamang-tama ang mga pagkakataon. At napag-uusapan ang mga pagkakataon, tignan mo nga naman, tumapat pa sa kaarawan ko…. Ewan.

Minsan nakakalungkot din na ang karamihan sa mga kakilala ko e may kanya-kanya ng mga buhay. At yung sakin ay parang di pa nagsisimula. Yung iba kong mga kaibigan, tanggap na ng mga magulang nila ang mga pagkakamaling kanilang pinagdaanan (kung meron man), o kaya’y di masyadong mahigpit sa mga pinili nilang mga desisyon. Hindi naman sa wala silang pakialam, wala na lang sigurong magawa. Dahil ika nga e, ang nakaraan ay nakaraan. "Malalaki na kayo at alam nyo na kung papano aayusin ang gusot na pinasok nyo…"

Ako, ano ba ang gusto ko sa buhay ko? Gusto ko lang maging Manager ng isang kumpanya. Maraming pera para makagala, lalaki? Napag-uusapan yan.


Simulan natin sa Bakit Manager lang? Ayaw ko bang Taas-taasan pa ang pangarap ko?


                                                                          'Ayoko…'


Kasi karamihan sa kanila (di man lahat), bago nila narating ang mga posisyon nila, marami silang naapakang tao. Isa pa, karamihan din sa mga taong ito, maganda man ang estado sa trabaho, sira naman ang pamilya. Kundi nambababae ang mga ito dahil marami silang pera, e hiwalay sa asawa, o di kaya’y pariwara ang anak,.. Bakit kamo? Kasi wala silang panahon sa mga ito. Ayoko ng ganun. Tamang pagkatapos ng trabaho, e pamilya na. Hindi yung pag uwi mo e trabaho pa rin ang buhay mo. O kung mamalas-malasin pa, ang mga taong ito, kundi tumandang dalaga, tumandang binata, e tumanda nang bakla. Ayokong maging tulad nila. May pera ka nga, wala ka namang panahong magbakasyon o makasama ang mga mahal mo sa buhay o I enjoy manlang ang pera mo kasi puro ka na lang “meeting, meeting, meeting…” Ibig bang sabihin nabuhay ka lang ng mga ilang dekada dahil lang sa trabaho? Nakakalungkot.


E bakit ayaw ko kamo ng ng sarili kong kumpanya? O kaya sariling negosyo? Nakakatamad. Oo tamad ako. Ayoko na kasing isipin ang mga bagay-bagay tulad ng imbentaryo, pasueldo, at mga pasaway na empleyado (tulad ko), o kaya ang masaklap, e ang mga empleyadong nangungupit. Di ba sakit sa ulo? Siguro kasosyo na lang sa negosyo, puwede pa… wag sanang maging swindler at mag end ang frienship.

Kaya sa totoo lang. Di ko pa alam talaga ang gusto ko sa buhay. Meron pa kong isang taon para magipon at magisip-isip bago mag trenta. Huhuhu… Dalawang taon pa, wala na ang edad ko sa kalendaryo (pero at least, nasa lotto pa ito.) Isa pa, siguro kelangan ko na ring i-revamp ang mga kasuotan ko. Nakikita ko ang mga kasamahan ko sa opisina, e parang ganun ako dati…Ano ang nangyari at naging boring akong manamit pag Biyernes?


Mapunta naman tayo sa pangarap kong maraming pera. Ayokong mag-abroad. Kasi mayabang ako. Ayoko ng inuutusan ng ibang lahi maliban na lang siguro kung katulad ng dating expat naming amo, si Mr. Maloney (Sir! We miss you! Asan ka na ba? Puwede ba kong mag-apply senyo???!!!) Masarap lang kasi ang pakiramdam nung nagpunta akong Australia at pinagkakaguluhan nila ang pagsisilbi sa amin ng mga ka-opisina ko. Mga puti ang nagkakagulo para makaupo kami sa mga restaurant, sa mga shopping mall (syempre pera yan sa kanila eh).. Masarap sana kung buong mundo may respeto sa ibang lahi ano? Kaso hindi laging ganito. Kaya sa totoo lang, iba talaga ang kapangyarihan ng pera pero di ko alam kung sang kamay ng Dios ako kukuha nito. Pero kahit ganito, binibigyan pa rin Nya ko. Iba Ka talaga Lord! You’re the Man! Pero naiintindihan ko din naman ang kakaibang lakas ng salapi ng ibang lahi kumpara sa piso. Kaya malamang-lamang magbago ang isip ko…


At dahil mayabang ako, ayokong magasawa ng ibang lahi dahil lang sa pera. Naniniwala pa din ako sa wagas na pag-ibig. Takot ko lang, dahil sa mga ganitong pananaw e baka di nako talaga makapagasawa. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit di ko masikmura ang makasama ang isang tao na hindi ko mahal dahil lang sa kelangan ko ng pera? Sa ngayon siguro talagang di ko pa kaya. Ewan ko lang bukas. Sana nga hindi. Pero syempre di natin masasabi. Ang tao pag nagigipit gagawin ang lahat. Hindi ko hinuhusgahan ang mga taong gumagawa nito. Kung sa akin lang e ayoko sana. Malay mo, kainin ko ang sinasabi ko balang araw.


Tungkol naman sa pag-aasawa. Parang ayoko din. Sa totoo lang, sa ngayon ayoko pa. Oo, oo na nga… Marahil hindi ko naiintindihan ang mga hindi ko pa nararanasan na minsan masarap may katabi ka sa gabi pagtulog o may katuwang ka sa buhay pero ang hindi ko lang talaga matanggap e ang mga kuwento ng mga kakilala kong nagtitiis na ginugulpe sila, o nambababae ang asawa nila habang pinagbubuntis nila ang una nilang anak, o malaman laman nyang nagka anak pala sya sa labas… Nakakabaliw isipin. Makakapatay lang talaga ako. Yung isang kakilala ko, andaming utang, wala nang panahon o pera para sa sarili. Inay ko pohhhh… Kaya hindi na muna! Salamat na lang! Mag-isa na lang muna ako sa ngayon. Siguro lang talagang di ko pa nakikita ang katapat ko. At siguro pag nakaharap ko na sya, itataas ko lang ang kilay ko at sasabihing…”Ikaw na ba yan talaga?”

Natatakot ka na ba? Pasensya na. Dasal lang talaga ang kailangan para maiadya tayo o kundi man e patapangin tayo sa mga ganitong pagkakataon. At syempre, kelangan din ng gawa. Gawan natin ng paraan na hindi tayo masira sa mga hagupit ng mga bagyong dadating sa buhay natin.

Maligayang kaarawan sa akin…

0 comments:

Post a Comment

 

My Playpen Design by Insight © 2009